Umabot na sa 12,564,355 Pilipino sa CALABARZON ang nakapagtala sa Philippine Identification System (PhilSys) simula sa unang araw ng implementasyon nito hanggang sa unang tatlong buwan ng 2024. Bukod dito, matagumpay din na naipamahagi ang 6,265,732 PhilID cards sa mga rehistradong indibidwal. Ito ay bunga ng masinsinang implementasyon at mga estratehiyang ipinapatupad ng Philippine Statistics Authority Region IV-A sa pagtatala ng mga indibidwal sa PhilSys.
Ayon kay Regional Director Charito C. Armonia, “Ang tagumpay na ito ay isang malaking hakbang patungo sa layunin nating makapaghatid ng serbisyong mas episyente at abot-kaya sa bawat Pilipino. Sa pamamagitan ng PhilSys, mas napapadali natin ang pag access sa mga serbisyong pampubliko at pribado, at napapalakas ang seguridad at integridad ng ating mga transakyon.”
Patuloy na hinihikayat ng PSA ang lahat ng Pilipino na magparehistro at makibahagi sa sistemang ito na naglalayong pag-ibayuhin ang ating bansa. Ang mga karagdagang detalye tungkol sa proseso ng pag paparehistro at mga schedule ay matatagpuan sa opisyal na website ng Philsys at mga opisyal na social media pages.
Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring makipagugnayan kay PhilSys Registration Officer III Juliedin B. Nohay sa rsso04a@psa.gov.ph
(SGD.)
CHARITO C. ARMONIA
Regional Director
PSA Region IV-A